House-to-house Vaccination sa mga Senior Citizen, Inihahanda ng LGU Tuguegarao City

Cauayan City,Isabela- Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City para magbahay-bahay na mabakunahan kontra COVID-19 ang mga senior citizen na hindi kaya ang makapunta sa mga inilatag na vaccination sites.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano, bagama’t tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa mga priority individuals na kabilang sa A1 hanggang A4 subalit nakitaan ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna sa A2 category o mga senior citizens.

Inatasan ni Soriano ang mga barangay officials na lumikha ng estratehiya upang hikayatin ang mga matatanda na magpabakuna para masigurong mailayo sila sa banta ng sakit at makamit ang herd immunity sa komunidad.


Sa kabila nito, bumubuo na ng vaccination teams ang LGU particular sa mga takot umanong lumabas.

Samantala, sinabi naman ni Dr. Jocari Chua, deputy city health officer, nasa 20,846 senior citizens ang nasa masterlist pero 10,071 ang boluntaryong nagpabakuna sa kalagitnaan ng buwan ng July 2021 na nagresulta ng hindi bababa sa 50% inoculate rate.

Ilan aniya sa mga dahilan kung bakit tumatanggi ang mga senior citizen ay dahil sa side effects at sa efficacy rate ng bakuna.

Sa kabuuan, nasa inisyal na 24,442 indibidwal sa lungsod ang nakatanggap ng unang dose, ito ay mula sa A1 to A4 categories habang 9,890 ang nakatanggap ng ikalawang dose o mga fully vaccinated na.

Umaasa pa rin ang lokal na pamahalaan na mas marami pang bakuna ang matatanggap ng siyudad para matugunan ang lahat ng residente gayundin ang mga nagtatrabaho sa lungsod na mula sa mga bayan.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni city information officer Lenie Umoso na magbibigay ang Department of Health ng doses ng Johnson & Johnson’s Janssen brand para sa mga A2 priorities.

Facebook Comments