Nadagdagan ngayon ang tungkulin ng PNP Highway Patrol Group at MMDA.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa HPG at MMDA na escortan ang alinmang ambulansiyang may agarang pangangailangang magdala ng kritikal na pasyente sa ospital.
Ang utos na ito ng Pangulo ay sa harap ng nabunyag na mga insidente ng pagkamatay ng ilang pasyenteng sakay ng ambulansiya subalit hindi na umabot pang buhay sa ospital dahil sa tindi ng trapik.
Ayon sa Pangulo, sa panahon ng emergency na may ambulansiyang kailangang makarating agad sa ospital dahil sa sakay na pasyenteng malubha ang lagay, dapat umeksena na ang HPG para hawiin ang mga sasakyan at bigyang daan ang ambulansya.
Sa ganitong paraan, maisasalba aniya ang buhay ng pasyente.
Kaugnay nito, hindi naiwasang tuligsain ni Pangulong Duterte si Senador Grace Poe na siyang patuloy na tumututol sa pagkakaloob sa kaniya ng emergency power para solusyunan ang problema ng trapiko sa kalakhang Maynila.