Ipinarerekonsidera ng Hudikatura sa Senado na dagdagan ang budget ng mga sangay nito.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa 2023 budget ng Judiciary, hiniling ni Supreme Court Administrator Raul Villanueva na dagdagan ng P1.87 billion ang pondo ng Korte Suprema at iba pang mga korte sa bansa.
Sa personnel services ay pinadadagdagan ng P1.46 billion kung saan P96.4 million dito ay ilalaan para sa judicial integrity board na siyang humahawak ng mga kaso ng mga hukom at mga court personnel habang mahigit P729 million dito ay ipinalalaan sa reclassification ng salary grade ng mga nasa first level na clerks of court.
Pinadadagdagan din ng P410 million ang maintenance and other operating expenses o MOOE na ilalaan naman para sa 2023 bar examinations.
Humihiling din ang Court of Appeals ng mahigit P567 million na dagdag pondo para sa personnel services at iba pang mga personnel benefit at dagdag na P202 million para sa MOOE para sa funding ng kinakailangang supplies and materials, utilities expenses, repairs at maintenance at rentals.
Dagdag din sa humihirit na irekonsidera ang dagdag na pondo para sa personnel services partikular sa kanilang mga benepisyo ang Sandiganbayan na nasa P239 million at Court of Tax Appeals na nasa P124.85 million.
Sa 2023, ang inaprubahang pondo ng Judiciary sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) ay nasa P52.72 billion na mas mataas ng P5.74 billion kumpara sa P46.98 billion na pondo ng ahensya ngayong 2022.