HUGAS KAMAY | Alvarez at Farinas, itinanggi ang mga nakuhang malalaking pondo sa budget

Manila, Philippines – Hugas kamay sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at dating House Majority Leader Rodolfo Farinas tungkol sa pagtanggap ng malalaking halaga ng pondo sa 2019 budget.

Itinuro nila Alvarez at Farinas sa ehekutibo ang sisi sa iba’t ibang kontrobersiya sa panukalang pambansang pondo.

Iginiit ni Alvarez na walang kinalaman ang Kongreso sa preparasyon sa National Expenditure Program sapagkat ito ay trabaho ng ehekutibo.


Wala din umano siyang pinuntahan o inupuan na budget hearing at hindi niya nakita ang National Expenditure Program o NEP.

Nauna nang ibinunyag ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na sina Alvarez, Fariñas at dating House Appropriations Committee chairman Karlo Alexei Nograles ang makakatanggap ng pinakamalaking alokasyon sa 2019 national budget.

Pero iginiit naman ni Fariñas na hindi na siya Majority Leader nang maisumite sa Kongreso ang NEP kaya malabo na may isiningit siyang dagdag na pondo sa kanyang distrito sa Ilocos Norte.

Facebook Comments