Bumuo na rin ng sariling koalisyon sa Kamara ang mga miyembro ng Hugpong ng Pagbabago na tinawag nilang Duterte Coalition.
Ito ay sa gitna ng isyu sa agawan ng Speakership ngayong 18th Congress.
Binubuo ang Duterte Coalition nila Representatives Paolo Duterte, Isidro Ungab, Vincent Garcia, Corazon Malanyaon, Manuel Zamora, Lorna Bautista, Claudine Bautista, Sandro Gonzales at Anton Lopez.
Sa isang statement, nanawagan ang grupo sa top contenders sa speakership na sina Congressmen Martin Romualdez, Alan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco na makiisa sa kanilang layunin na pagkaisahin ang Kamara para sa positibong pagbabago.
Nanawagan ang mga ito na magsama-sama ang lahat para igiit ang independence ng Executive at Legislative branches ng gobyerno at para maisulong ang mga repormang kinakailangan para mapabuti buhay ng mamamayan.
Binuweltahan rin ng koalisyon ang ilang miyembro ng gabinete na may kanya-kanyang pambato sa pagka-Speaker at iginiit na ang kanilang pagsisilbi ay base lamang sa tiwala at kumpiyansang ibinigay ng pangulo kaya hindi dapat manghimasok sa pagpili ng House leader.