Cauayan City, Isabela- Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang ‘No Contact Apprehension Program’ ngayong araw, Setyembre 22,2021.
Kasabay ito ng pagdiriwang sa ika-11 anibersaryo ng Rescue 922.
Inihayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin na papapanagutin ang mga mahuhuling lalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng mga ikinabit na camera kung saan made-detect ang mga sasakyan na makikitaan ng paglabag.
Sa ilalim ng programa, awtomatikong papasok sa computer system ng LGU at Land Transportation Office (LTO) ang mga motoristang made-detect ng camera na may paglabag sa umiiral na mga traffic rules.
Ayon pa kay Mallillin, kaakibat ng paglabag ang pagmumulta na ipapataw at kinakailangang bayaran ito kung saan nagtalaga ang LGU ng banking institution na siyang tatanggap ng multa o di naman kaya ay kailangan magtungo ang violators sa City Treasurer’s Office at LTO.
Ang hindi mababayarang multa ay dahilan ng hindi papayagang makapag-renew ng lisensya o makapagparehistro lamang ang sinumang violator.
Walang exempted na uri ng sasakyan sa ipatutupad na programa maging residente man o hindi ang mga papasok sa lungsod.
Sa kabila nito, hihintayin naman ang opisyal na paglabas ng ordinansa kung saan pagkalipas ng 15-araw isasagawa ang implementasyon ng ordinansa kung saan mananatili muna sa pagbibigay-abiso ang gagawin ng mga apprehending team.
Sinabi pa ni Mallillin na inaasahang makatutulong rin ang programang ito upang ma-detect naman ang behikulong papasok sa lungsod gayundin ang mapabilis na pagtukoy sa mga posibleng sasakyan na ginagamit naman sa krimen.
Makikita ang mga signage sa ilang poste kabilang sa bahagi ng barangay Alinam, San Fermin at Tagaran bilang paalala sa publiko para sumunod sa batas trapiko.