Malabon City – Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP ang isang warehouse sa Romi 1 Street, Barangay Tila, Malabon City.
Target ng search warrant na inilabas ng Malabon Regional Trial Court ang sinasabing miyembro ng Dragon Wu Drug Syndicate na sina Wu Peng Cheng, Hong Liangyo alyas Marissa kasama ang ilang tauhan nito.
Ayon sa PDEA, idineklarang imbakan ng mga sigarilyo at iba pang produkto ang bodega subalit natuklasan sa loob nito ang maraming drum, galon at iba’t-ibang kemikal na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng shabu.
May nakita ring mga drug paraphernalias at makina sa warehouse pero wala namang nakitang ‘finished product’ na droga ang mga PDEA agents at hindi rin nadatnan ang mga subject ng search warrant.
Lumalabas sa inisyal na impormasyon ng PDEA na noong September 2017 pa nagsimulang mangupahan sa lugar ni alyas Marissa sa halagang P15,000 kada buwan.
Ito ay konektado rin sa nadiskubreng shabu warehouses sa mga lugar na una nang sinalakay ng ahensya sa Batangas, Tagaytay at sa Tinajeros, Malabon.