Nadakip na ng kapulisan ang isa sa mga suspect sa naganap na UCPB Savings bank robbery sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur kamakailan.
Kinilala ang suspect na si Rommel Bacoco y Pis-ew, 33, may asawa at residente ng Brgy. Ambiong, La Trinidad, Benguet.
Si Pis-ew ay inaresto sa Barangay San Vicente, Baguio City, sa pamamagitan ng magkatuwang na operasyon na isinagawa ng PIDMB-Benguet Provincial Police Office sa pangunguna ni Police Supt. Radino S. Belly, mga operatives ng La Trinidad Municipal Police Station at Libmanan Police Station sa pangunguna ni Chief Inspector Chito M. Oyardo.
Sa pahayag ni PCI Oyardo sa panayam ng RMN DWNX Naga, napag-alamang si Pis-ew ay may dalawang bagong sasakyan sa kabila ng kawalan nito ng trabaho at ordinaryong guro naman ang asawa nito.
Positibo si Oyardo na madali ng malulutas ang kaso dahil sa pagkakadakip kay Pis-ew. Lima ang pinaghihinalaang suspect sa naganap na bank robbery kung saan 4 sa kanila ang lalaki kasama ang isang babae na unang nagpakilala at nagkunwaring mangupahan sa katabing gusali ng UCPB savings bank para magpatayo umano ng computer shop. Nadiskubre na lamang na gumawa pala ang mga ito ng tunnel mula sa inuupahang kwarto patungo sa vault room ng biniktimang banko.
Nahirapan din ang otoridad sa unang bahagi ng imbestigasyon dahil sa pumalpak umano na function ng CCTV sa mismong oras habang kinakamal ng mga suspect ang pera ng nabanggit na banko.
Napag-alaman ng otoridad ang pagkakakilanlan kay Pis-ew sa tulong ng tricycle driver na sinakyan nila papuntang High-Way ng madaling araw matapos limasin ang pera ng biniktimang banko. Wala pa ring pahayag mula sa pamunuan ng UCPB Savings Bank – Libmanan Branch kung magkano ang halaga ng salaping nakulimbat ng mga magnanakaw.
Kasama mo sa Balita, RadyoMan Manny Basa, Tatak RMN!