Manila, Philippines – Arestado ang lider at dalawang miyembro ng Angolan Budol-budol Group sa ikinasang entrapment operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Pasay City.
Kinilala ang mga suspek na sina Aroon James, mula Puerto Rico; Brown Akwe Fonboh mula Estados Unidos at Gum Blanche Murphy na mula sa Angola.
Ayon kay PNP-CIDG Chief Police Director Roel Obusan – isang Chinese National ang nagreklamo sa kanila matapos mabiktima ng grupo.
Pinaniwala umano ng mga suspek ang biktima na mapapalitan ng US dollar bills ang ibinigay niyang P250,000 gamit ang mga paraphernalia at chemical applications noong May 14, 2018 pero napag-alaman niya na peke pala ang mga ipinalit na dolyar.
Nitong May 23, 2018 muli siyang kinontak ng mga suspek at nag-demand ng isang milyong piso para palitan nila ng 100 US dollars.
Dito na nagpasaklolo sa CIDG ang biktimang Chinese na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober sa kanila ang 5-milyong pisong halaga ng ultra violet powder na ginamit sa entrapment operation, apat na plastic bottle ng puting liquid chemicals na may surgical gauze at maraming piraso ng mga pekeng 100 US dollars.
Sinampahan na ang mga suspek ng mga kasong estafa, swindling, assault upon agent of person in authority at resistance and disobedience.