Manila, Philippines – Arestado ang menor de edad na sinasabing suspek sa pagpatay sa isang barangay tanod sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Tayuman PCP Commander Senior Inspector Ness Vargas, nirespondehan nila ang tawag ng isang concerned citizen hinggil sa presensya ng suspek na armado ng baril sa bahagi ng Kagandahan Street.
Nang madakip ang suspek, nakuha sa kanya ang isang 45-caliber pistol na kargado ng apat na bala, 17 sachet ng shabu na mag street value na P40,000.
Dahil dito, pahaharapin ang suspek sa karagdagang kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
May nakabinbin nang reklamong murder laban sa suspek dahil sa pagpatay sa barangay tanod na si Jose Ramil Ceorres sa Juan Luna Street sa Tondo noong June 28.
Nabatid na hitman at runner umano ang suspek ng isang alyas “Tongtong” na kilalang drug pusher sa kanilang lugar pero ngayon ay nakakulong na.
Nakatakdang i-turn over sa DSWD ang menor de edad.