Maguindanao – Naaresto ng militar ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF 108 Base Command matapos na mahuling may bitbit na baril habang isinasagawa ang canvassing of votes kagabi sa labas ng munisipyo ng Paglat, Maguindanao.
Ayon kay Lieutenant Colonel Harold Cabunoc, Commanding Officer ng 33rd Infantry Batallionn ang naaresto ay kinilalang si Awil Bong Kanakan 27 anyos.
Nakitang nakasukbit sa bewang nito ang loaded na caliber 45 pistol na papunta sana sa loob ng munisipyo habang isinisagawa ang canvassing of votes.
Bukod sa kanya inaresto rin ng militar ang kasama nitong menor de edad na iti-turn over naman nila sa DSWD.
Sinabi pa ni Cabunoc na hindi maipaliwanag ni Kanakan kung ano ang pakay nya sa lugar.
Duda ng militar planong manabotahe sa botohan ng suspek dahil alam naman ng grupo ng MILF na bawal magbitbit ng baril ngayong election period.
Nakatakda nang sampahan ng kaso ang suspek.
Naging matiwasay naman ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Paglat, Maguindanao.