Huli sa CCTV: Holdaper binato ng tangke ng LPG, patay

CCTV footage from Norzagaray PNP

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babaeng negosyante sa kamay ng isang holdaper matapos siyang walang-awang barilin sa loob mismo ng kaniyang tindahan sa Norzagaray, Bulacan. Pero ang suspek, hindi pinalad makaligtas matapos siyang batuhin ng tangke ng LPG ng helper sa naturang tindahan.

Ang nakagigimbal at makapigil-hinigang insidente, nasapul ng mga CCTV.

Sa CCTV footage na nakalap ng awtoridad, makikitang pumasok ang kawatan sa grocery store ng nasawing si Melanie Palad.


Ilang sandali pa, mapapansin nilalaban ng biktima ang salarin hanggang sa tuluyan siyang barilin nito.

Agad naman sumaklolo ang helper ni Palad na may dalang tangke ng LPG sa mga oras na yun. Hinampas niya ang holdaper habang papatakas.

Hindi pa man nakalalayo ang suspek, binato na siya ng tangke at tinamaan sa ulo dahilan para bumagsak ito sa kalsada.

Bigla naman lumapit ang isang lalaki na pinagduduhang kasabwat ng kawatan at pinulot ang nabitiwang baril ng umano’y kasamahan.

Hahabulin at papaluin na din sana siya ng helper nang biglang magpaputok bago tuluyan umeskapo.

Kaagad naman naging viral sa social media ang nasabing pangyayari.

Sa ngayon, tinutugis na ng pulisya ang lalaking nakatakas.

Facebook Comments