Kambing ‘dinukot’ sa Sarrat, Ilocos Norte

Nahagip sa CCTV ang pagdukot sa isang kambing sa Barangay 20, bayan ng Sarrat, lalawigan ng Ilocos Norte nitong Martes.

Sa CCTV footage na nakalap ng pulisya, kitang-kita na bumaba ang dalawang suspek sakay ng puting SUV na walang plaka at biglang hinabol ang namataang kambing sa paligid.

Matapos mahuli, agad isinakay ang kaawa-awang hayop sa kotse at sabay karipas paalis ng lugar.


“As observation natin hindi taga dito kasi nga hindi nila alam kung saan nakapuwesto ‘yung CCTV so nakuhanan sila pero madilim ang pagkakuha,” ayon kay Police Maj. Marlon Padamada, hepe ng Sarrat police.

Giit ng awtoridad, hindi raw ito ang unang beses na may nakawan ng kambing sa nasabing lugar lulan ng SUV.

Sambit ni Padamada, may nadikap sa Sarrat noong 2012 at 2016 dahil sa parehong insidente.

Hindi tuloy maiwasan ng mga magsasaka matakot sa maaring sapitin ng mga alagang kambing sa oras na iiwan nila ito sa bukirin.

Saad nila, puwedeng ibenta ng mga kawatan sa malaking halaga ang mga nanakawing kambing.

Facebook Comments