Manila, Philippines – Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) sa Manila International Container Port kahapon ang tone-toneladang sibuyas na smuggled o iligal na nakapasok sa bansa mula sa China.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, nakatanggap sila ng impormasyon na tinago ang mga sibuyas sa kahon ng mga prutas at idineklarang mga mansanas.
Agad na pinuntahan nina Piñol at Customs Commissioner Isidro Lapaña kahapon ang nasa 17 container truck sa Maynila kung saan pinaghihinalang tinago ang mga smuggled onions.
Base rin aniya sa mga kasunduan ng bansa sa karatig na bansa sa Asya, walang taripang babayan ang importers ng mansanas, di tulad ng sibuyas na may 35% na tariff.
Natukoy naman ng DA ang pangalan ng consignees pero hindi alam ng department kung saan dapat dadalhin ang mga smuggled onions.
Isinalaysay naman ni Undersecretary for operations Ariel Cayanan na nitong Biyernes ng gabi, may tumawag umano sa kaniya na nagaalok ng suhol para hindi aniya pakialaman ang laman ng container vans.
Hindi nagpakilala ang tumawag pero sinubukan siyang alukin ng suhol simula 20k na umabot hanggang 2 milyon.
Sa ngayon ay pinapaubaya ng DA sa BOC ang pagsasampa ang kaso hinggil sa onion smuggling, habang ipinagutos na ng DA na ilagay sa alert status ang lahat na pumapasok na agriculural goods sa bansa maliban ang mga galing sa kilala at pinagkakatiwalaang importers.