Sapul sa camera ang pambubugbog ng ilang traffic enforcer sa isang drayber ng tricycle sa siyudad ng Dumaguete, Biyernes ng hapon.
Makikita sa video na tinutugis ng mga enforcer ang tsuper at nang maabutan, pinagsusuntok nila ito.
Kinilala ang tricycle driver na si Ronard Bello Faburada, residente ng Barangay Tubtubon, sa Sibulan, Negros Oriental.
Base sa pagsisiyasat ng Traffic Management Office sa naturang lungsod, tumanggi umano si Faburada na ihatid ang babaeng pasahero sa Barangay Bantayan.
Namili raw ito ng ibang commuter, dahilan upang itahin siya ng traffic aide na si Rowel Alabastro Abueva.
Nang imbitahin siya sa tanggapan ng TMO para magpaliwanag, bigla raw nagwala si Faburada at hinampas pa ng tubo ang aide na si Reynaldo Jumawan Montebon.
Dito na nag-ugat ang panghahabol at pangunguyog ng mga traffic aide.
Samantala, maaring pinabulaan ng tricycle driver ang paratang laban sa kaniya.
Giit nito, masakit na raw ang kaniyang tiyan kaya tinanggihan niya ang pasahero.
Nahaharap ngayon sa kasong indirect assault si Faburada pero magsasampa din siya ng reklamo sa mga nanggulpi sa kaniya.