Manila, Philippines – Hindi na palalawigin ng Commission on Elections (COMELEC) ang filling ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga tatakbo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (SK) sa Mayo 14.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, mayroon na lamang na hanggang 5:00 mamayang hapon ang aspiring candidates na maghain ng kanilang COC sa COMELEC office sa kanilang lugar.
Aniya, mahigit sa 100,000 tao na ang naghain ng kanilang kandidatura sa iba’t-ibang lugar sa bansa pero maliit pa ito kumpara sa bilang ng mga posisyong pinaglalabanan sa eleksyon.
Nabatid na mayroong 31,900 chairmanships at 263,000 council positions ang paglalabanan sa Barangay at SK polls.
Hinikayat rin ni Jimenez ang mga may balak kumandidato na samantalahin ang pagkakataon at kaagad nang magsumite ng kanilang COC.
Maaari namang mag-umpisang mangampanya ang mga kandidato simula sa Mayo 4 hanggang 12.