Huling SONA ni Pangulong Duterte, pinaghahandaan na

Pinaghahandaan na ng Senado, Kamara at buong hanay ng Presidential Security Group (PSG) ang nakatakdang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, nagkasundo na sila nina House Speaker Lord Allan Velasco at ng PSG para sa tatlong posibleng set-ups sa SONA ni Pangulong Duterte sa darating na Hulyo.

Una ay katulad ng ginawa noong nakaraang taon, kung saan tutungo ang ilang piling bisita sa Batasang Pambansa sa Quezon City kasama si Pangulong Duterte.


Sa planong ito, 30 indibidwal mula sa Senado ang papayagan na makadalo nang personal sa SONA sa Batasang Pambansa.

Ang ikalawang scenario naman ay sasamahan nina Sotto at Velasco si Pangulong Duterte sa Malakanyang para sa SONA nito.

Ang ikatlo ay nasa Malakanyang na si Pangulong Duterte habang ang mga miyembro naman ng Kongreso ay manonood na lang ng speech nito sa Batasang Pambansa.

Facebook Comments