Hulugan na pagbabayad sa electric bill, papayagan sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ

Maglalabas ang Energy Regulatory Commisison (ERC) ng memo na nag-aatas sa mga power suppliers para pahintulutan na hulugan o hatiin sa loob ng apat na buwan ang electric bill ng mga residente sa lugar na saklaw ng Modified Enchanced Community Quarantine (MECQ).

Sinabi ito ni ERC Chairperson Agnes Devanadera sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship kasunod ng panukala ni Senator Francis Tolentino na gawing 3 gives o hatiin sa tatlong buwan ang pagbabayad ng bills sa kuryente, tubig at telepono kapag nasa kalamidad at pandemic ang bansa.

Sa hearing, sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo na suportado nila ang panukala at inirekomenda na isama ang moratorium sa bill sa internet at cable services.


Mungkahi naman ng National Electrification Administration (NEA), isama rin sa moratorium ang mga power cooperatives dahil walang ibabayad ang mga ito sa kanilang power suppliers kapag hindi nakabayad ang kanilang mga customer.

Samantala, idinaing naman sa hearing ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na makakaapekto sa operasyon ng water districts ang pansamantalang pagtigil sa pagbabayad sa water bills.

Paliwanag ni LWUA Chief Jeci Lapus, 60 percent ng water districts sa bansa ay small scale lamang na walang nakareserbang sapat na pondong pantapal sa mababalam nilang singil.

Binanggit pa ni Lapus, na 216 sa 530 water districts sa bansa ang nakagastos na sa kanilang tatlong buwang reserve fund habang hindi sila nakakatanggap ng bayad sa mga customers dahil sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments