Pinapadeklara ni Senator Risa Hontiveros ang Hulyo 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day.
Ito ay bilang selebrasyon sa tagumpay ng Pilipinas sa The Hague noong 2016 at bilang pagbibigay-pugay sa pagsisikap ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III (PNoy) na matiyak ang landmark legal victory na ito.
Nakasaad sa Senate Resolution No. 762 na inihain ni Hontiveros na si PNoy ang namuno sa gobyerno ng Pilipinas sa paghahain ng arbitration case upang maitaguyod ang ating soberanya sa West Philippine Sea (WPS).
Diin ni Hontiveros, dahil sa tagumpay natin sa The Hague, ay buo ang loob ng international community na kumampi sa Pilipinas sa bawat pagmamalabis ng Tsina.
Idinetalye rin sa resolusyon na ang WPS ay maaaring maglaman ng hanggang sa 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas at 5.4 bilyong bariles ng langis na mapagkukunan ng enerhiya ng bansa at pakikinabang ng mamamayang Pilipino sa susunod na tatlong henerasyon.
Idinagdag ni Hontiveros na ang pagkakaroon ng isang araw upang alalahanin at ipagdiwang ang tagumpay na ito ay isang paraan din upang mapaglabanan ang maling impormasyon na sadyang minamaliit ang ating tagumpay noong 2016.