Human rights crisis sa Pilipinas, mas lumala batay sa annual world report ng HRW

Manila, Philippines – Lumabas sa taunang world report ng Human Rights Watch (HRW) na mas lumala pa ang krisis sa karapatang pantao sa Pilipinas nitong 2018.

Batay sa ipinalabas na HRW, umabot na sa halos limang libo (5,000) ang bilang ng mga namatay na suspected drug user at pusher sa mga ikinasang operasyon ng pulis.

Sa ilalim ito ng war on drugs ng administasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte simula July 1, 2016 hanggang September 30, 2018.


Hindi pa kasama sa bilang ang libu-libong pinatay ng mga hindi pa nakikilalang mga gunmen na tinatawag ng PNP na homicide under investigation.

Sinabi pa ng HRW, hindi nila matukoy ang eksaktong bilang ng mga nasawi sa war on drugs dahil sa kabiguan ng pamahalaan na magpalabas ng mga datos hinggil dito.

Binanggit din ng HRW ang desisyon ni Pangulong Duterte na kumalas sa International Criminal Court dahil sa pasya ng korte na imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay na may kinalaman sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Facebook Comments