Nagkilos-protesta sa tanggapan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang human rights group.
Panawagan ng grupong Karapatan, itigil na ng AFP ang kanilang mga pambobomba sa mga liblib na komunidad na bahagi umano ng kanilang anti-insurgency campaign.
Anila, nagreresulta ito sa physical at economic displacement ng mga sibilyan.
Inihalimbawa ng Karapatan ang umano’y pinakanotoryus na indiscriminate bombings na ginawa ng 94th Infantry Battalion sa Himamaylan, Negros Occidental noong October 6 at 8, 2022 na nagdulot ng forced evacuation ng mahigit 15,000 indibidwal.
Base sa monitoring ng grupo, hindi bababa sa 108 na mga aerial bombing ang ginawa ng AFP sa 36 na lalawigan at hindi bababa sa 10 indibidwal ang nasawi sa panahon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, nagpapatuloy pa rin ito sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil 6,931 na biktima na ng pambobomba ang naitala ng Karapatan sa counter-insurgency campaign.