Itinuturing ng Malacañang na patas at balanseng pagkilala sa governance agenda ng Administrasyong Duterte kaugnay ng paglaban nito sa korapsyon, iligal na droga at kriminalidad ang Philippines 2018 Human Rights report ng US State Department.
Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo – bagama’t tiyak na pagtutuunan ng mga taga-oposisyon at kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga negatibong obserbasyon, mas magpo-focus na lang daw ang Malacañang sa mga positibong aspeto ng report.
Kabilang dito ang mga nakasaad na development sa anti-drug campaign ng administrasyon at ang pagrespeto sa mas malalalim na hamon gaya ng pagkamatay ng mga enforcement officer sa kanilang mga operasyon.
Ikinatuwa rin ni Panelo ang pagkilala ng US State Department sa pagsisikap ng gobyerno na mapabilis ang disposisyon ng mga kaso, kasama na ang paggamit ng plea bargaining.
Nakikisimpatiya din umano ang US Government sa mga pagsubok na kinakaharap ng gobyerno sa peace process.
Dahil dito, hinimok ni Panelo ang publiko na basahin ang kabuuan ng report at huwag magpapadala sa mga negatibo at maling komentaryong sinadya para siraan ang administrasyon.