Marawi City – Hinamon ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang Commission on Human Rights na tutukan ang mga human rights violation ng mga miyembro ng Maute Group.
Ayon kay Castelo, kailangang bantayang mabuti ng CHR ang mga nangyayaring paglabag sa karapatang pantao lalo na sa Marawi matapos ang ilang mga report na may pananakot at pangaabuso na ginawa ang Maute.
Dagdag pa ng mambabatas, bagamat wala pang natatanggap na pormal na reklamo ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng martial law ay dapat pa ring kumilos ang CHR hindi lamang sa pagbabantay sa gobyerno kundi maging sa mga kalaban ng pamahalaan.
Samantala, ang mga nambibintang naman na may ginawang paglabag ang mga sundalo at pulis ay hinamon din ni Castelo na magsumite ng ebidensya.
Sa ganitong paraan aniya ay maaaring imbestigahan ang isyu kung may maghahain ng reklamo at isusumiteng pruweba ng pananamantala na kagagawan ng mga sundalo at pulis.
Bumilib naman si Castelo sa martial law ng Duterte administration dahil sa mahigit isang buwan na ipinatupad ito, maging ang CHR ay walang namomonitor na anumang human rights violation sa pwersa ng gobyerno.