Humanitarian Crisis sa Bilibid, pinasisilip sa Kamara

Hiniling ng Bayan Muna sa Kamara ang agad na pagsasagawa ng joint investigation sa napaulat na humanitarian crisis sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ang imbestigasyon ay bunsod na rin ng lockdown na ipinapatupad sa Bilibid kasunod ng pagsawata ng mga iligal na aktibidad dito.

Sa House Resolution 459, inaatasan ang House Committees on Justices at Human rights na silipin at alamin ang lagay ng mga preso sa Bilibid partikular sa maximum security compound.


Batay sa mga nakarating na reklamo mula sa grupong Kapatid- Families and Friends of Political Prisoner’s, kalunos-lunos ang lagay ng mga preso kung saan pito na ang naitatalang namatay sa mga ito mula October 15 dahil sa pagkakasakit at kawalan ng medical attention.

Bukod sa kakulangan sa pagkain, napagkakaitan din ng tulog, malinis na tubig at visitation rights ang mga bilanggo.

Aalamin din sa imbestigasyon kung pinagbabayad ang mga inmates para makakuha ng tubig at access sa kuryente.

Malinaw anila na may paglabag sa kanilang mandato ang Bureau of Corrections gayundin sa itinatakdang standards ng ‘UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners’.

Magsasagawa din ng physical inspection ang dalawang komite sa NBP para makita ang tunay na kalagayan ng mga preso.

Facebook Comments