Aabot sa humigit-kumulang 100 iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers ang napa-deport na ng Bureau of Immigration (BI).
Sa pagdinig sa 2023 budget ng Department of Justice (DOJ) at attached agencies nito, nakwestyon ni Senator Sonny Angara si Immigration Commissioner Norman Tansingco kung ilang mga indibidwal o POGO workers ang na-deport na pabalik ng China.
Aminado si Tansingco na nagkakaroon din sila ng problema sa deportation sa mga iligal na POGO workers lalo’t ipinagbabawal ito sa China.
Inusisa rin ni Senator Sherwin Gatchalian ang BI kung ano ang ginagawa ng ahensya sa Chinese nationals na nagtatrabaho naman sa POGO pero walang mga kinakailangang dokumento at lisensya.
Tugon ni Tansingco, may mga ilan na silang naaresto at kasalukuyang ipinoproseso ang kanilang ‘summary deportation order’.
Nalalaman aniya nila sa BI ang iligal na POGO workers sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at pagsasagawa ng surveillance operations mula sa mga natatanggap na reports sa concerned citizens at sa embahada.
Pinamamadali ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang BI sa pagtugis sa iligal na POGO workers dahil ang mga manggagawa rito na maaaring expired na ang visa at nagtatago sa Pilipinas ay posibleng sangkot sa paggawa ng krimen sa bansa o hindi kaya ay biktima ng mga krimen at inaalipin at itinatago na ng ilang POGO operators.