Mga pampublikong sasakyan, hindi pwedeng maningil ng dagdag-pasahe simula sa Oktubre kapag wala silang nakapaskil na fare matrix; mga driver at operator na lalabag sa kautusan, pwedeng ireklamo sa LTFRB!

85

Iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pwedeng maningil ng dagdag-pasahe ang mga pampublikong sasakyan kung walang nakapaskil na fare matrix o guide.

Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan partikular ang traditional at modern public utility jeepneys (PUJs), public utility buses, taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Oktubre 3.

Ito ay labing-limang araw matapos ianunsyo na LTFRB ang pagtataas singil sa pamasahe sa mga nabanggit na pampublikong sasakyan.


Ayon sa LTFRB, dapat nakikita ng mga pasahero ang fare matrix sa sandaling sumakay sila sa pampublikong sasakyan.

Dagdag pa ng ahensya, kailangan sumunod sa alintuntunin ng kanilang prangkisa ang mga operator at driver.

Maaaring ireklamo naman ng mga pasahero sa LTFRB ang sinumang driver o operator na hindi susunod sa kautusan ng ahensya.



Matatandaang, batay sa inilabas na desisyon ng LTFRB ay inaprubahan ang P1 na provisional increase para sa TPUJ AT MPUJ.

Magkakaroon din ng karagdagang pamasahe na P0.30 sa bawat susunod na kilometro para sa TPUJ at P0.40 sa MPUJ.


Ang pamasahe sa bawat susunod na kilometro para sa TPUJ ay magiging P1.80 mula sa P1.50 at P2.20 mula sa P1.80 para sa MPUJ.

Magkakaroon din ng karagdagang pamasahe na P0.40 kada kilometro para sa mga ordinaryong bus at P0.45 para sa mga may aircon at karagdagang P0.35 bawat kilometro para sa mga provincial bus.

Ang pamasahe kada susunod na kilometro sa ordinary bus ay magiging P2.25 mula P1.85, habang, P2.65 mula P2.20 para sa may aircon at P1.90 mula P1.55 sa mga provincial bus.

May P5 umento rin sa flagdown rate ng mga taxi at TNVS, kung saan ang minimum na pamasahe para sa taxis at sedan-type TNVS ay magiging P45 at P55 naman sa AUV/SUV-type TNVS.

Para sa hatchback-type na TNVS, ang flagdown rate ay magiging P35.

Mananatili naman ang pamasahe sa kada kilometrong tatahakin para sa mga taxi at TNVS.

Facebook Comments