Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa kabuuang 1,556 kabataang edad 12-17 mula sa iba’t ibang bayan at siyudad sa Isabela ang nabakunahan kontra COVID-19 ng mga tauhan ng City of Ilagan Medical Center.
Batay sa pinakahuling datos naturang pagamutan, naitala ang maraming bilang ng nabakunahan na kabataan sa siyudad ng Ilagan na umabot sa 622, sinundan ng bayan ng Gamu na nakapagtala ng 70; Cauayan City (33); Tumauini (22), San Mariano (9), Aurora (3), Luna (2), Cabagan (10), Delfin Albano (4) habang tig-isa naman ang mga bayan ng Roxas, Quirino at Tuguegarao City, Cagayan.
Bukod dito, nabakunahan na rin ng Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital ang mga kabataang nasa kategorya ng Pediatric A3 na umabot sa 366.
Samantala, umabot naman sa kabuuang 323 ang mga indibidwal na nabakunahan na kabilang sa A4 priority group.
Hinimok naman ng health authorities ang mga magulang na pabakunahan laban sa COVID-19 ang kanilang mga anak na may comorbidities.