Hustisya para sa mga kamag-anak ng nawawalang sabungero, tinitiyak ng Lacson-Sotto tandem

Pabor sina Partido Reporma presidential candidate Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa napabalitang pagkawala ng nasa 30 indibidwal na konektado sa sabong.

Sa press conference ng Lacson-Sotto tandem kahapon kasama ng kanilang mga senatorial candidate, inihayag ng mga beteranong senador na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga ulat hinggil sa mga nawawalang sabungero dahil buhay ng mga taong ito at ng kanilang pamilya ang nanganganib.

Ibinunyag din nina Lacson at Sotto Tandem na may ilang kapamilya ng mga biktima na lumalapit sa kanilang tanggapan para humingi ng tulong na makamit ang hustisya sa pagkawala ng kanilang mga kaanak.


Ayon naman kay Senate President Sotto, nakarating na sa kanila ang impormasyon na may gustong isiwalat ang mga kamag-anak ng mga biktima tungkol sa mga nangyayari sa e-sabong, bagay na itinuturing dahilan sa pagkawala ng ilang mga sabungero.

Una nang ipinahayag nina Lacson at Sotto tandem na isusulong nila ang regulasyon ng e-sabong dahil sa naidudulot nitong problemang panlipunan lalo na sa mga overseas Filipino worker at kabataan na nalululong dito.

Facebook Comments