Cauayan City, Isabela- Tinitiyak ng Cauayan City Police Station na malapit ng malutas at mapanagot ang nasa likod ng kalunos-lunos na sinapit ng isang binatilyo na pinatay sa saksak sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ito ay sa kabila ng bigong pagsasampa ng kaso sa itinuturing na pangunahing suspek na sangkot sa pagpatay sa binatilyo makaraang bawiin nito ang kanyang naunang pahayag sa pulisya.
Ayon sa pulisya, itutuloy pa rin nila ang pagsasampa ng kaso laban sa pangunahing suspek para sa inaasahang ikakalutas ng kaso sa pagpatay sa 18-anyos na binatilyong si Aize Rhafael Dalupang.
Hawak na rin ng kapulisan ang tatlo pang saksi na makakapagbigay ng buong detalye sa mga nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa biktima.
Sa katunayan, may isa pa rin na suspek na itinuturong sangkot sa pagpatay sa binatilyo na posibleng makapagbahagi rin ng impormasyon hinggil sa wala ng buhay na katawan ng biktima.
Tinitignan din ng mga otoridad ang ilang circumstancial evidence gaya na lamang ng paiba-ibang pahayag ng mga pangunahing suspek o ang hindi pagsasabi ng totoo sa kanilang edad taliwas sa mga rekord na mayroon ang pulisya.
Hindi naman isinasantabi ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa love triangle ang pagkawala ng biktima.
Sa ngayon ay hustisya lang ang tanging makakapagbigay kaluwagan ng pakiramdam sa pamilya ng pinatay na binatilyo.