Hustisya sa pamamaslang sa brodkaster sa Mindoro, tiniyak ng PNP

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na maigagawad ang hustisya sa pamamaslang sa mamamahayag na si Cresenciano Aldovino Bunduquin.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) Mimaropa Regional Director Police Brig. General Joel Doria gagawin nila ang lahat para makamit ang hustisya sa pagpatay sa biktima.

Ani Doria, bumuo na ng Special Investigation Task Group sa pangunguna ni Oriental Mindoro Provincial Police Director Police Col. Samuel Delorino, para sa mabilis na pagresolba ng kaso.


Kasabay nito, nanawagan si Doria sa publiko lalo na sa nakaka-alam ng impormasyon tungkol sa insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad.

Una na ring tiniyak ni PIO Chief at Presidential Task Force on Media Security focal person PBGen. Red Maranan na mahigpit na tutukan ng PNP ang progreso ng kaso.

Matatandaang binaril ng riding in tandem si Bunduquin kaninang madaling araw sa tapat ng kanyang sari-sari store sa C5 road, Brgy. Sta. Isabel, Calapan, Oriental Mindoro.

Facebook Comments