Manila, Philippines – Posibleng magkaroon ng constitutional crisis pero yan ay kung ipipilit ng kamara na ituloy ang impeachment proceedings laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sabi ni Senate President Koko Pimentel, kapag hindi kinilala ng kamara ang pagpapatalsik ng Supreme Court kay CJ Sereno at iniakda sa senado ang articles of impeachment ay aaksyunan nila ito.
Pero sa ngayon duda si Pimentel na isusulong pa rin ng kamara na magkaroon impeachment trial kay CJ Sereno dahil noon pa ay inihayag ng mga leader nito na hihintayin nila ang desisyon ng supreme court sa quo warranto petition laban kay Sereno.
Mali din para kay Pimentel, at kay Senate Minority Leder Franklin Drilon na akusahan ang senado na walang ginawa para igiit ang nakapaloob sa konstitusyon na tanging sa impeachment lang pwedeng mapatalsik ang impeachable officer tulad ni Sereno.
Paliwanag nina Senators Pimentel at Drilon, hindi pa nila hawak ang impeachment case ni CJ Sereno kaya magiging premature kung ipinaglaban nila ito.
Hindi rin naman sila makapagpasa ng resolusyon na nananawagan sa Supreme Court (SC) na bigyang daan ang impeachment trial kay CJ Sereno dahil naka-recess ang session nila at ngayong araw pa lang muling magbabalik.