Manila, Philippines – Sinibak ng Korte Suprema sa serbisyo ang isa sa mga huwes na kabilang sa mga itinuturing ng Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa illegal drugs trade.
Ang sinibak ng Supreme Court ay si Presiding Judge Exequil Dagala ng Municipal Circuit Trial Court ng Surigao del Norte.
Si Dagala ay nakunan pa ng video na may dala-dalang M-16 armalite rifle habang nagwawala sa isyu ng pinag-aagawang lupain ng kanyang kapitbahay
Nadiskubre rin na may anak ito sa ibang babae.
Sa 21-pahinang desisyon ng Korte Supreme, napatunayan na si Dagala ay guilty sa isyu ng immorality at gross misconduct.
Pinagbabawalan na rin si Dagala na humawak ng anomang pwesto sa gobyerno.
Iniutos na rin ng Korte ang pagbawi sa retirement benefits at iba pang benepisyo ni Dagala maliban sa kanyang leave credits.
Nag-ugat ang reklamo laban kay Dagala sa isang anonymous letter-complaint na inihain sa Office of Ombudsman noong 2015 ng isang residente ng San Isidro, Siargo Island, Surigao Del Norte.
Si Dagala ay nauna nang nilinis ng Supreme Court sa isyu ng drug trade.