Cauayan City, Isabela- Hawak na ng mga alagad ng batas ang itinuturing na High Value Individual (HVI) at Regional Priority ng PNP at PDEA matapos maaresto ang mga ito sa ikinasang drug buybust operation ng mga otoridad partikular sa harap ng paaralan sa Barangay Tanza, Tuguegarao City, Cagayan.
Nakilala ang HVI na si Alvin Pascua, 40 taong gulang, tubong Punta, Aparri, Cagayan, habang kinilala naman ang regional priority target ng PNP/PDEA na si Marichie Medicinaceli, 30 taong gulang, tubong Tallungan Aparri, Cagayan na kapwa residente sa Brgy Tanza sa Lungsod ng Tugugerao.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsanib pwersa ang mga elemento ng City Drug Enforcement Unit ng Tuguegarao City, Provincial Driug Enforcement Unit, 1st PMFC, PDEA Cagayan Provincial Office, at PDEA Region 02 sa inilatag na drug buybust operation laban sa dalawang suspek.
Nagresulta ito sa pagkakahuli ng dalawang suspek matapos mabentahan ng dalawang (2) sachet ng pinaghihinalaang shabu ang isang poseur buyer.
Bukod dito, nakumpiska rin sa pag-iingat ni Alvin Pascua ang walong (8) piraso ng sachet ng hinihinalang shabu.
Sampung (10) plastic sachet ng pinaniniwalang shabu ang kabuuang nakumpiska ng mga operatiba na may katumbas na halagang Php13,600.00.
Nasa pangangalaga na ng PDEA RO2 ang mga suspek at mga nakumpiskang sachet ng hinihinalang shabu para sa drug test at laboratory examination.
Inihahanda na ng PNP Tuguegarao City ang kaukulang kaso na isasampa laban sa dalawang suspek.
Samantala, dinakip rin ng PNP Iguig ang isang traysikel drayber dahil sa pagbebenta nito ng illegal na droga sa Barangay Sta Barbara Iguig, Cagayan.
Sa isinagawang drug buybust operation ng PNP Iguig ay nagpositibo sa transaksyon ang suspek na kinilalang si Juan Cauilan, 25 taong gulang, binata at residente ng Barangay San Isidro, Iguig, Cagayan.
Sa naturang transaksyon ay nabentahan ni Cauilan ng isang (1) piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Dinala na rin sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.