"H’wag Mo Akong Tingnan Na Para Bang UUTANG Ka" – CamSur Government Planong Mangutang ng P985 Million (+-)… Bago Mag-election (?)…

Kalat na ngayon sa probinsya ng Camarines Surang plano ng pamunuan ni Governor Louis Miguel R. Villafuerte na muling uutang sa Development Bank of the Philippines ng perang nagkakahalaga ng mahigit 980 million pesos.
Ito ay sa harap ng papalapit na election sa unang bahagi ng taong 2019, kung saan filing na nga ng COC sa darating na October ngayong taon.
Ayon sa photo documents na nakarating sa RMN Naga – DWNX, isang resolusyon ang ipinasa ng Provincial Board na nag-ootorisa sa Gobernador na mangutang sa DBP para sa mga proyektong pangkaunlaran ng probinsya.
Sinikap ng RMN Naga – DWNX na kumpirmahin kung nag-apply na nga si Governor Migz Villafuerte sa DBP, napag-alamang wala pang kopya na natatanggap ang nasabing banko kaugnay ng pag-apply ng loan ng probinsya.

Ayon pa sa report na nakalap ng RMN Naga – DWNX, gagamitin umano ang nasabing halaga sa pag-construct at pagpapaayos ng mga infrastructure projects tulad ng kalsada, eskwelahan at iba pang pasilidad sa patubig, public market, ospital, multi-purpose building at mga covered courts.
Sa ginawang pakikipag-ugnay ng RMN Naga – DWNX kay Mr. Ariel Peña ng DBP kahapon , sinabi niya na wala pa namang nakakarating na aplikasyon o kopya ng resolution sa kanilang opisina kaugnay ng muli na namang pag-utang ng probinsiya.
Sinabi rin ni Peña na mahaba ang proseso at marami pang requirements na pagdadaanan ang kapitolyo probinsyal para maka-avail ng nasabing loan tulad ng paghihingi ng monetary board opinion ng Banko Sentral ng Pilipinas at Bureau of Local Government Finance Certification at Seal of Good Housekeeping mula sa DILG.
Magkakaroon din ng sariling evaluation ang DBP sa panahong maisumite na sa kanilang opisina ang loan application ng provincial government.
Kaugnay ng katanungan kung magkano pa ang outstanding loan balance ng Camarines Sur Provincial Government sa DBP, sinabi ni Peña na makikita ang imporomasyon at detalye sa website ng DBP dahil bukas naman ito sa publiko.

Facebook Comments