CAUAYAN CITY – Namahagi ang Municipal Agriculture Office ng hybrid rice seeds sa mga magsasaka sa bayan ng San Pablo, Isabela, bilang bahagi ng kanilang pagsuporta sa sektor ng agrikultura.
Ang mga binhi ay mula sa Department of Agriculture-Regional Field Office 02, na may layuning tulungan ang mga lokal na magsasaka sa paghahanda para sa darating na dry season, upang mapataas ang kanilang ani at kita.
Pinangunahan ni Municipal Mayor Jojo Miro ang pamamahagi, kasama ang iba pang opisyal. Tiniyak ni Mayor Miro na patuloy nilang ibibigay ang mga benepisyong makatutulong sa mga magsasaka ng palay sa kanilang nasasakupan.
Samantala, kamakailan ay nag-ikot din ang Lokal na Pamahalaan ng San Pablo upang mamahagi ng Pamaskong Handog sa bawat pamilya, bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng kapaskuhan at suporta sa komunidad.