Confession ng isang lalaki, nagsisisi sa agarang desisyon na ipinatupad sa sarili at sa buhay. Siya ay si HIM ng Mintal, Davao City.
—
May mga panghihinayang na maaari pa sana’y bawiin, at bigyan ng katuparan ang ninanais na kaligayahan. Ngunit madalas kesa sa hindi, batas sa lupa at batas sa langit ang makakalaban, kung ipaglalaban pa ang wala diyan na karapatan. May pagkakataon pa kayang sumaya sa pamamagitan ng kakapiranggot na kakayahan?
—
Tila may pagsisisi na ngayon si sender Him nang makilala niya si Giselle na isang call center agent, dalagang ina, at nagbabayad ng Yaya para mabantayan ang anak niya dahil dis-oras ang duty niya. May mga pagkakataong si Him ang tumatao sa bahay ni Giselle para siya mismo ang mag-aalaga sa anak ng huli, kapalit nito ay ang pagsisinungaling niya sa kanyang asawang si Cathy. Si Cathy na pinakasalan niya 9 years ago, at ina ng mga anak niya.
Hanggang halik man ang nagagawa ni sender Him at ni Giselle, pero naroon pa rin na siya ay nagi-guilty para sa kanyang asawa. Na ang lahat ng lihim niya at damdamin at iniisip ay sinasabi, bukod lamang sa “kasalanan” niya ngayon sa asawa. Hindi man ganoong kalalim ang ugnayan nilang dalawa ni Giselle, pero alam niyang nagtataksil na siya.
Kaunti man o malaki, parehong panghihinayang pa rin ang nasa sa kanya ngayon. Na kung sana’y nakilala niya umano noon pa si Giselle, baka siya raw ang ama ng anak ng huli, at baka si Giselle din ang pinakasalan niya at kasa-kasama sa buhay ngayon.
Iniiyakan niya ng lihim ang sitwasyong ito ngayon. Lihim niyang dinaramdam ang lahat. Hirap na hirap siya sa kanyang damdamin. Hindi na niya kayang lumayo kay Giselle; ngunit hindi rin niya magawang iwanan si Cathy. Paano nga ba ang kanyang gagawin?