Nasa mahigit na dalawampung libong household beneficiaries sa mga lugar na malimit hagupitin ng bagyo ang makikinabang sa multi-purpose unconditional cash transfer na resulta ng kasunduan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Sa ilalim ng pilot implementation ng Central Emergency Response Fund for Anticipatory Action (CERF AA), pagkakalooban ng top-up cash assistance ang abot sa 22,000 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries kung saan kinabibilangan ito ng 42,239 na mga bata.
Ipatutupad ang CERF AA pilot sa mga probinsya ng Catanduanes at Northern Samar.
Sa Catanduanes, tutukuyin ang mga benepisaryo sa mga munisipalidad ng Baras, Bato, San Andres at Virac.
Habang sa Northern Samar ay ang munisipalidad ng Catarman, Catubig, Gamay, Mondragon at San Roque.
Ito ang kauna-unahang pagpapatupad ng konseptong anticipatory action upang mabilis na makabangon sa kanilang kabuhayan ang mga most at-risk communities tuwing may paparating na bagyo.