Nasa kamay na ng susunod na magiging kalihim ng Department of Transportation (DOTr) kung magpapatuloy pa ang serbisyo ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni IACT Chief Charlie del Rosario na sa ngayon ay hindi pa nila alam kung ano ang magiging kapalaran ng IACT pero tuloy ang kanilang paglilingkod hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang administrasyon.
Paliwanag ni Del Rosario, kung sa tingin ng susunod na administrasyon ay kailangan pa sila para mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at mga sasakyan lalo na sa EDSA bus way at masawata ang mga kolorum na sasakyan sa mga lansangan, nariyan lang sila at handang tuparin ang kanilang tungkulin.
Matatandaang noong Agosto 2016 nang buuhin ang IACT sa pamamagitan ng memorandum of agreement sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Coast Guard (PCG) at Metro Manila Council para tugunan ang mga concern sa road transport tulad ng masikip na daloy ng trapiko, colorum operations, road safety at talamak na road traffic violations na nagreresulta sa aksidente sa mga lansangan.