Bago pa lang mag-alas-6:00 ng umaga, nagsimula na ang Inter-Agency Council for Traffic (IACT) sa kanilang operasyon sa may bahagi ng Sta. Mesa, Maynila.
Ilang kolorum na van ang kanilang nahuli at may ilang pampublikong sasakyan rin ang nasita at natikitan.
Ito’y dahil sa ilang paglabag sa ipinapatupad na minimum health protocols kontra COVID-19.
May mga pampaseherong jeep ang na-impound dahil sa wala pa silang hawak na QR Code mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahit pa bago ang kanilang rehistro.
Ang mga nasabing QR Code ay bilang patunay na kumpleto ang kanilang mga requirements at dokumento para magkaroon sila ng pagkakataon na maka-biyahe.
May mga motorcycle rider din ang nasita dahil sa hindi pagsusuot at hindi tamang mga helmet na kanilang ginagamit.
Ang operasyon ng IACT ay para masigurong nasusunod ng mga pampublikong transportasyon ang inilatag na minimum health protocols at matigil na ang paglaganap ng mga kolorum na sasakyan.