Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang paggamit ng antigen testing sa Baguio City.
Nabatid na muling magbubukas sa turismo ang Baguio City simula sa susunod na linggo o sa September 22 para muna sa 200 turista na mula sa Region 1.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, ang Baguio City ang unang gagamit ng antigen testing kung saan kapareho lamang ito ng RT-PCR o swab test pero nasa 10 hanggang 15 minutes lamang ay makukuha na ang resulta kumpara sa RT-PCR na hanggang 48 hours bago makuha ang resulta.
Paliwanag pa ng Kalihim, magsisilbing game changer ang antigen testing lalo pa ngayong unti-unti nang binubuksan ang iba’t ibang mga tourist spots sa bansa para makabawi sa pagkakalugmok ng tourism sector.
Una nang sinabi ni Baguio City Mayor at Contact Tracing Czar Benjie Magalong na bago makapasok ng “Summer Capital of the Philippines” ay dapat nakapagpatala muna sa kanilang website ang mga bisita, mayroong confirmed booking sa hotel para pagdating sa Baguio ay isasalang nalang sila sa triage sa Convention Center kung saan isa-subject naman sila sa antigen test.
Sa ngayon, guided tour muna ang pinapayagan at makalipas ang 2 o 3 linggo kapag nagamay na nila ang sistema ay posibleng payagan nang muli ang DIY o Do It Yourself tour.