Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang identification cards na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay patuloy na kikilalanin kahit nakalagay na June 20, 2020 ang expiration date nito.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mananatiling valid ang mga IATF issued IDs kahit lagpas na ito sa kanyang expiration date.
Aniya, hindi na kailangang i-renew ang mga nasabing ID lalo na at hindi naman nagbago ang pagkakakilanlan ng may-ari nito.
Maaari ring magpakita ng iba pang proof of identification o certificate of employment kapag hiningi ng mga pulis o military personnel na nagbabantay sa mga quarantine checkpoint.
Ang IATF IDs ay inisyu para sa essential workers kabilang ang mga media personnel.
Bukod sa IATF IDs, mayroon ding Rapid Pass System na binuo naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para maiwasan ang face-to-face contact sa pagitan ng mga tauhan na nagmamando sa quarantine checkpoints at mga indibidwal na exempted mula sa quarantine guidelines sa loob ng lockdown.