Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na isasara ang mga pribado at pampublikong sementeryo, memorial parks kasama na ang mga kolumbaryo mula October 29 hanggang November 4, 2020 sa buong bansa.
Ayon kay Roque, ito ang napagdesisyunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa pinakahuli nilang pulong.
Sinabi ng kalihim na layon nitong maiwasan ang pagtitipon-tipon na nakagawian na ng mga Pilipino tuwing Undas.
Paliwanag pa nito, maaari namang bumisita sa mga yumao nating mahal sa buhay bago sumapit ang October 29 at pagkatapos ng November 4.
Sa ilalim ng IATF Resolution No.72, nakasaad na 30% lamang ng venue capacity ang pinapayagan.
Kinakailangan ding nakasuot ng face mask, face shield at nasusunod ang social distancing.
Wala ring age restrictions na ipatutupad sa mga magtutungo sa mga sementeryo bago ang October 29 at pagkatapos ng November 4.