Maaari pa ring gamitin ng mga nasa hanay ng Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang kanilang Inter-Agency Task Force (IATF) IDs sa tuwing lalabas ng bahay para bumili ng essential needs at magtrabaho.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, valid at wala munang expiration ang IATF passes hangga’t nananatili sa state of medical emergency ang bansa.
Ibig sabihin, kahit noong June 20, 2020 pa napaso ang IATF passes ay maaari pa rin itong magamit lalo na sa mga checkpoint.
Samantala, pagpupulungan pa ng mga local chief executives kung muli silang mag- i-issue ng panibagong quarantine pass sa kada isang miyembro ng pamilya o kung maaari pang magamit ang lumang quarantine pass.
Kasabay kasi nang muling pagsasailalim sa Metro Manila , Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula mamayang hatinggabi ay kailangan muli ng quarantine pass kapag bibili ng pagkain, gamot o ano mang essential needs na layuning makontrol ang galaw ng tao upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.