IATF, pinabubuo ng technical working group para sa vaccination plan sa COVID-19

Hinikayat ni Senior Citizen Partylist Representative Francisco Datol ang Inter-Agency Task Force (IATF) na bumuo ng technical working group para sa paglalatag ng vaccination plan laban sa COVID-19 at iprayoridad din ang mga matatanda sa mga babakunahan.

Ayon kay Datol, sakaling may bakuna na laban sa virus ay unahin ang mga senior citizens sa national vaccination program at bigyang konsiderasyon ang pagiging mas lantad ng mga matatanda na mahawa agad ng COVID-19.

Samantala, habang dine-develop pa ng mga siyentista ang bakuna laban sa Coronavirus Disease (COVID-19) ay pinaghahanda rin nito ang pamahalaan kung paano mababakunahan ang bawat tao sa bansa.


Giit ng mambabatas, mahalagang ngayon pa lamang ay bumalangkas na ang pamahalaan ng ‘National Action Plan for Vaccination’ laban sa COVID-19 at tiyaking bawat Pilipino ay mababakunahan kasama na ang bawat OFWs, mga dayuhang turista at maging mga dayuhang tumira na sa Pilipinas.

Subalit, maaari aniyang ang ma-develop na anti-COVID-19 vaccine ay para sa mga nagkasakit na nito upang maiwasan ang pagkakaroon muli ng impeksyon o maaari ring bakuna para sa lahat nang hindi pa nagkakaroon ng COVID-19.

Aniya, anuman ang maging protocols sa bakuna ay mahalagang may nakahandang plano ang gobyerno dahil kung i-de-delay ang paghahanda ay tiyak na mas magiging vulnerable at tataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments