IATF, pinag-aaralan nang ilagay sa ilalim ng “new normal” ang mga lugar sa bansa na may zero transmission ng COVID-19

Posibleng isailalim na sa “new normal” status ang ilang lugar sa bansa na nakapagtatala ng zero transmission ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa mga nakalipas na buwan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, personal niya itong iminungkahi sa Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-MEID) na inayunan naman ng IATF.

Sinabi pa ni Roque na maliban sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ay magkakaroon na ng bagong classification na new normal sa susunod na buwan.


Kasunod nito nagpahiwatig ang kalihim na tila malabo pa ring maisailalim sa MGCQ ang Metro Manila.

Sang- ayon sa panuntunan ng Health Department, dapat ay nasa 28 araw ang case doubling rate bago mailagay ang isang lugar sa MGCQ pero sa kaso ng Metro Manila ay nasa 13 hanggang 14 days pa lamang ang ating case doubling rate.

Pero giit nito, pagdating sa critical health care capacity ay hindi nagpapahuli ang pamahalaan dahil parami ng parami ang mga binubuksang isolation facilities at mayroon na ring designated COVID-19 hospitals para magbigay ng atensyong medikal sa mga severe at critical cases ng COVID-19.

Panghuli, tinuran ng kalihim na naka- angkla sa datos at siyensya ang mga desisyong inilalabas nila sa IATF.

Facebook Comments