IATF, pinaglalatag ng protocols sa ilalim ng GCQ; 3 major issues naman sa ECQ, tinukoy ng Kamara

Hiniling ni Peace and Order Committee Chairman at Masbate Rep. Narciso Bravo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na maglatag ng protocols sa mga lugar na sasailalim sa “General Community Quarantine’ o GCQ bago sumapit ang panibagong extension ng lockdown pagsapit ng Mayo 1.

Sa video conference briefing ng House Defeat COVID-19 Committee ay iginiit ni Bravo na dapat ay maglatag na ng protocols ang IATF sa ilalim ng GCQ upang maiwasan ang confusion o kalituhan ng publiko at mga nagpapatupad ng batas.

Sa ilalim ng GCQ ay papayagan na ang ilang pagbyahe ng mga public transportation at magpapatuloy na rin ang trabaho sa mga construction sites habang sa mga lugar na deklarado pa ring nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay patuloy pa rin ang mahigpit at limitadong paggalaw ng mga tao.


Samantala, tinukoy naman ni Bravo ang tatlong pangunahing isyu sa ilalim ng ECQ na hanggang ngayon ay problema pa rin ng ilang mga lugar na nagpapatupad nito.

Malaking hamon pa rin aniya ang pagsunod ng lahat sa social physical distancing, stay at home policy at paghahatid ng basic at essential goods sa buong bansa.

Dahil dito, inirekomenda ng Kamara na parusahan ang mga lumalabag sa ECQ tulad ng community service, huwag bigyan ng government assistance ang mga lalabag, at imbestigahang mabuti ang mga mang-aabuso sa ipinapatupad na protocols.

Hiniling din ng Kamara sa IATF na luwagan at alisin na ang restrictions sa inter-island movement ng mga kargamento na naglalaman ng basic goods upang makarating agad ang mga pangangailangan ng publiko tulad ng pagkain.

Facebook Comments