Pinagbigyan na ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang pagpapanumbalik sa iba pang serbisyong alok ng mga barbershops at salons.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, layon nitong unti-unting ibalik ang sigla ng ekonomiya matapos malugmok dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Roque, sa mga lugar na pasok sa General Community Quarantine (GCQ) ang mga salon at barberya ay maaari nang mag -offer ng lahat ng kanilang haircutting at hair treatment services tulad ng rebonding, pagpapakulay ng buhok at iba pang hair treatment.
Samantala, sa mga salon at barbershops naman na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) areas ay available na ang lahat ng haircutting services, hair treatment services, nail care services, basic facial care (make-up, eyebrow threading, eyelash extension, facial massage), basic personal care services (waxing, threading, shaving, foot spa at hand spa) basta’t nakatatalima lamang sa minimum health standards.
Simula July 16, 2020, maaari nang mag-operate ang mga salon at barbershops ng 50% sa GCQ areas habang 75% sa MGCQ areas.