Mas magiging maigting ang Balikatan Exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa susunod na taon.
Sa online forum na dinaluhan ni U.S Indo-Pacific Command Admiral John Aquilino, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Jose Faustino na magiging “full scale” o itotodo nila ang gagawing pagsasanay sa susunod na taon.
Aniya, kumpara sa mga nakalipas na Balikatan, magkakaroon ng mga “observer” na lalahukan ng ibang bansa maliban pa sa U.S.
Posible aniyang sumali rito ang United Kingdom at sa ngayon ay inilalatag na nila na ang mga aktibidad para sa paghahanda.
Samantala, sinabi naman ni Aquilino na mas naging maganda ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito’y dahil sa patuloy na pagpapalitan ng intelligence information, counter terrorism, disaster response, cyber security attack at iba pa.
Matatandaang nanganib noon na mabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA), kung saan mawawala na sana ang taunang ehersisyo na ito sa pagitan ng AFP at kanilang mga U.S counterparts.