Iba pang laboratoryong nagsasagawa ng RT-PCR test, pinasisilip din

Aminado ang Philippine Red Cross (PRC) na mayroong “false positive” results sa ginagawa nilang COVID-19 tests.

Pero giit ni PRC Biomolecular Laboratory Head Dr. Paulyn Jean Rosell-Ubial, nasa 1% hanggang 2% lamang ito ng bilang ng kanilang nate-test.

Aniya, mabuti nang nag-iingat at sumasailalim sa isolation ang isang indibidwal kahit pa false positive ang resulta ng pagsusuri.


“Aminado po kami na merong false positive pero sa dami ng tine-test natin, hindi talaga natin masi-single out kung sino yung false positive at false negative,” paliwanag ni Ubial sa interview ng RMN Manila.

“So kahit na po ganon, mas importante na maproteksyunan natin yung ating mga kababayan,” dagdag niya.

Hindi naman masabi ni Ubial kung saan nagkakaproblema kaya nagkakaroon ng mga false positive results.

“We have to identify kung sa test kit o sa taong gumagawa nung test or pwede ring sa collection o pagkuha ng samples. Marami pong pwedeng maging error sa lahat ng stages ng pagkuha ng test po natin, hindi lang isang area,” saad ng dating Health Secretary.

“Lahat naman po ng test kit na pumapasok sa bansa, tine-test ng RITM at sine-certify ng FDA. Wala naman po tayong ginagamit na test kits na hindi dumaan sa masusing pag-aaral ng RITM at tsaka FDA. Ginagarantiya po ng gobyerno yan,” aniya pa.

Nilinaw din ni Ubial na hindi lang naman PRC ang mayroong false positive results dahil nangyayari rin ito sa ibang laboratoryo.

Kaya panawagan niya sa Kongreso, silipin din ang iba pang laboratoryong nagsasagawa ng RT-PCR test.

“Eh bakit natin tinututukan ang Red Cross? Lahat ng lab merong false positive. Tingnan din po natin sa lahat ng laboratory, i-review ng RITM lahat ng molecular laboratory,” pahayag ni Ubial.

Facebook Comments