Humihingi na rin ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) ang iba pang ina na namatayan ng anak sa hazing ng Tau Gamma Phi.
Partikular na dumulog ay ang ina ng biktima ng Tau Gamma Phi-Kalayaan Council sa Pakil, Laguna noong Marso 20, 2022.
Sa kaniyang pagdulog sa PAO, sinabi ni Ginang Marycharh Rabutazo na tatlong opisyal pa ng nasabing fraternity ang nakakalaya na may kinalaman sa pagpatay sa anak niyang si Raymarc Rabutazo.
Bagama’t may 12 suspek na ang nakakulong at kasalukuyang nakasampa ang kaso sa RTC 91 ng Sta. Cruz Laguna dahil sa paglabag sa Anti Hazing Act, hindi pa rin daw matahimik si Gng. Rabutazo dahil nakakalaya pa ang mga utak ng pagpatay sa kanyang anak.
Base sa medicolegal report, subdural hemorrhage secondary to blunt head trauma ang ikinamatay ng batang Rabutazo.
March 19, 2022 nang magpa-alaman ang kanyang nag-iisang anak na si Rey Marc na pupunta ito sa kanyang lola ngunit may mga testigo ang nagsabing sa hazing rites ng Tau Gamma Phi Kalayaan Council ito dumiretso.
Kinabukasan, marami ng chat at missed calls kay Gng. Rabutazo na isinugod sa ospital ang kaniyang anak ngunit hindi na niya dinatnan na buhay ito.
Kabilang sa mga hindi pa nasasampahan ng kaso ay sina Simeon Mercado Jr., bilang Chairman, Richard Dimaranan Jr., bilang Vice Chairman at ang tiyuhin ng biktima na si Vernon Rabutazo na siyang nag-organize ng hazing.
Nawawala na rin ang cellphone ng kanyang anak kung saan naroon ang mga mahahalagang impormasyon.